pilosopong bayabas

panunulat na nagmula sa hilik at sipol ni juan tamad

‘punto ng huling araw’ 12.15pm

bagong taon. bagong damit, bago lahat. 

sana nga may mansanas pa sa mesa, o kaya isang platito ng kastañas.

sabi ng kapit-bahay, ‘ilabas ang mga mamera.

kalog-kalugin pagpatak ng alas-dose. At baka yumaman.’ 

‘tumalon-talon para tumangkad.’

pero teka, dahan-dahan lang sa paglantak ng baboy:

yung prito-prito ba o yung pinalutong pa sa mantika?

baka-madeadz pagbagsak ng enero. paano ka pa yayaman.

paputukan ang mga kurakot, pasaway, at matatabil ang dila.

isama na sila sa bawang, lolo thunder, at goobye-bading,

sa pag-iksi ng mitsa, sa pagsabog ng pulbura. bwahaha!

phooom! 

walang matitira. kulangot, libag, baktol, alipunga.

magpupunyagi ang mga matitira. bagong-buhay na. 

bagong kalendaryo ng Giñebra, na may chicks na nakabukaka.

ilabas ang baril, kalabitin. phooom!

bawal yan, kaya sa prisinto ka na mag-medya-noche. 

dalan ka na lang namin ng kakanin na makakain.

at lilipad na din ang kwitis. kakangkarot ang trumpo, whistle-bomb.

tatalbog ang pla-pla, habang patakbong aalulong si Satanas.

Layas! layas! layas!

hinayupak! leche! 

ano ang punto ng huling araw ng Disyembre?

ibig sabihin lang panalo tayo. ligtas. may puso pa ding

hindi palyado ang pagtibok-tibok. may utak pa ding 

nagiisip at nasa tono na kahit minsan dispalenghado.

tatalon para tumangkad.

magtitipid para yumaman. magsusulat para hindi makalimot.

lilimutin ang hindi suwabeng nakaraan. 

ituloy and oras na akala mong huminto sa pagpatak, 

sa pagdating,

sa pagsapit,

phooom!

‘hindi ko alam ang sagot’ 11.09am

siya’y umupo at nag-isip:

kung anu-ano, bakit?, kailan?

saan babagsak ang lahat ng tanong

saan hihinto

sa tuldok, sa gulo, sa luhang patago … ?

tumatakbo ang isip: 

pagod ang puso

habang nakaupo,

dinidiin ang hintuturo sa sintido:

sino siya?, anong gusto niya talaga?

kutusan ko na kaya siya?

baka magising pa

naantok siya

habang ang tasa ng kape niya’y

hinto na ang pag-usok

ngunit mapait pa din ang laman nito,

ni hindi nga nabawasan e

makatulog pa kaya?

nanaginip siya:

puno ng mukha ang pader

ang mukha ng walang tigil na tanong

ngumingiti, nang-iinis?, o wala lang

basta ngiti lang

basta tulog pa din siya

basta tuloy ang tanong

iba-iba, 

minsan makulit, minsan masaya,

sa isang banda malungkot,

sa isang sulok nakabaluktot,

naka-upo, nag-iisip: 

ang puso pumipintig,

sintido nangiipit,

utak humihilab,

balat parang puputok…

naykupo, pag-ibig

‘sa ilang dipang halik sa lupa na tahimik’ 12.35pm

sa pagbaba ng dilim

na tumago naman sa likod ng mga bundok

at sa paglitaw naman ng liwanag na tunay

na walang babali sa kanyang sinag

iihip ang tahimik na paghinga ng hangin

pupukaw ang mga mata ng mga bagong gising

hihigop ng mainit na kape sa umaga

sasalo ng bagong lutong sinangag ang gutom na sikmura

iinom ulit ng kape

at hahagilapin ng mga mata ang malawak na bukirin 

 sa bukas na espasyo ng bintana

malamlam na tanawin

puno ng berdeng kulay

at panay ang sayaw ng mga dahon sa sanga

sinasabayan ang mga ulap sa pagbaybay sa langit

sinasabayan ang daloy ng tubig sa batis

at sa iyong pag-apak sa lupang dinadala ang iyong bigat

ikaw ay hahalik sa iyong kinatatayuan

luluhod sa tuwa at gaan

ng dibdib mong ang bigat ay naibsan

‘hindi romantiko’ 4.25 pm

ano na naman ‘to?

hindi raw romantiko ang tinig ko

baka ang kutob mo’y mali ang tono

kaya ang di maipaliwanag na ngiti

sa mental na lang kukunsintihin

kung ang lungkot ay papawiin din

ng isang kibo’t sampung ngiti 

malabo ba nang todo ang mata?

kung bakit hindi makita ang nakabalandra

dyan sa tabi mong puros espasyo

may lugar na nga ba para sakin?

o antayan pa din tayo?

kung sino satin ang bibigay at kikibo

ng isang kibo’t sampung ngiti

galing nung palabas na ‘to. kulet nung lead. galit sa mundo.

galing nung palabas na ‘to. kulet nung lead. galit sa mundo.

thom yorke ng radiohead: high na high sa solvent.

‘ang daloy ng introspeksyon bago matulog’ 8.25 pm

Sa gabi mas iniitok ang karamihan sa tao: bago abutan ng antok, bago matulog at manahimik sa kamang hinihigaan. Meron nga kahit tulog pa tinotoyo pa din. E kung hindi ako gagalaw o mag-iisip ng kung anu-ano, iitukin pa din kaya ng kung anu-ano? Parang mahirap ‘yon a. Malamig ka na sigurong bangkay kung magawa mo ‘to. At kung bangkay ka na nga paano mo naman malalaman na nagawa mo nga ang kagaguhan na ganito? Hindi puwede mangyari, no?

Nakapagtataka lang talaga ang mga ‘itok’ nating mga tao. Walang sasantuhing oras, sinaryo, pagod, o pagka-bugnot kapag sinumpong na ng kabaliwan. Minsan nga natutulog na naninipa pa habang katabi mo sa kama. Minsan naman naninipa na humihilik pa ng todo, na siya naman talagang nakakatuwa. Ang sarap takpan ng unan ang pagmumukha.

Paano ‘to mapipigilan? Malaking ka-ewanan ang sagot. Dahil ang utak ay may parte pa ring gising kahit ikaw ay tulo-laway na kakanganga sa himbing ng borlogs mo.

E kung gising pa naman? - : … 

Bakit kaya mas maraming naglalasing sa gabi?; mas malungkot ang karamihan satin; mas kumekerengkeng at nag-iigsian ang mga damit ng mga kababaihan; mas nagsisigala ang mga rapists; mas uso ang pag-iyak sa isang sulok; ‘sangkatutak ang nagkukulong sa kuwarto; laganap naman ang mga ikina-kuwarto; hindi mabilang ang mga nagmumuni-muni; talamak ang mga tumatambay; naglipa na ang mga akyat-bahay; naglipa na din ang mga umaakyat ng ligaw; na sinasabayan din ng mga naliligaw; na susundan pa ng mas maraming umiiyak na sanggol; ka-timing lalo ng mas maraming gumagawa ng sanggol. Walang katapusang listahan ng masyadong maraming iniitok. 

Hindi pa todo ‘yun. 

Siguro kasi madilim nga. Kapag madilim maghahasik ng lagim, sabi nga ng mga matatanda. Sa dilim kasi okey ang lahat ng ikina-tatakot mo sa liwanag: ang makita at mahuli ka sa akto ng isang gawain na sa tingin mo ay mali, o may bahid ng mali, sa mata ng iba sa tanghaling-tapat. Kahit hindi naman lahat ng ginagawa mo sa dilim ay mali. Nasasabi lang na mali ng iba kasi nga hindi nila maintindihan ang ginagawa mo, kasi nga madilim, taob ang 20/20 nilang mga mata. Hehe. Gusto kasi ng mga audience na mangmang at kulang sa paglaki ng utak (maski kasing-tanda na nila si Erap) ay yung lilinawin mo sa kanila ang lahat ng ikinikilos mo. E paano ngang gagawing ilinaw sa kanila e gusto mo ngang itago sa iba ang ginagawa mo, o mas gusto mo na kasama mo si Dilim at siya lang ang gusto mong manonood sa gagawing mong obra o kalokohan. Haha. 

Kanya-kanyang problema lang ‘yan. Kanya-kanyang trip ba. Yun na lang siguro ang sagot ko para matapos na din ang toyo kong ‘to kung bakit iniisip ko ang tungkol sa toyo bago matulog. Hayun: kapag kinati kamutin. Kapag makati pa din, bili ka na ng Trosyd. Baka buni na ‘yan o eczema. Kadiri.

Ingats. 

‘ang ritmo bago antukin’ 8.38 pm

Walang kuryente sa amin. Sa kuwarto ko madilim ng konti. May kandila kasi akong sinindihan. Magaslaw ang liyab ng apoy ng kandila, paminsan-minsan titindig, madalas namang nanginginig. Sinusulat ko ang tungkol sa ‘ritmo bago ako antukin’. Kamut dito kamut dun ng mukha, nag-iisip, dahil blangko ng madalas ang utak. Naririnig ko ang radyo sa sala - yung de-baterya ba, na sa bangketa lang binili - nakikinig sila mama’t papa.

Naalala ko ang Solaris. Pelikula ni Andrei Tarkovsky; yung 1972 epikong bersyon niya na nagmula sa nobela ni Stanislaw Lem, na ginaya’t ginawan ulit ng isa pang bersyon naman ni Steven Soderbergh noong 2002, na medyo panget ang kinalabasan, medyo lang naman. Maganda ang palabas. Malupet pa nga. May mapupulot na kung anu-ano. Madami: tungkol sa kamatayan, sa pag-ibig, sa tama’t mali, sa katotohanan at kalokohan (kasinungalingan). Hindi komedya ang pelikula, hindi uso ang atcheche! sa ganitong klase ng palabas. Iwan na lang natin iyon sa TV at sa mga oras ng kababawan natin. Basta, ayuz ang kabuuan ng pelikulang ‘to. Sinasabi rito na ‘Ang tao ay pilit hinahanap ang katotohanan, subalit kaalaman lang ang nakakamit. Ang ibang natututuhan ay puros kapritso na lamang nila.’ Siyempre binanggit yun ng isang karakter sa Russong lengguwahe. Malalim. Nakakaantok isipin, pero masarap panoorin.

Mabigat na ang pag-pagpag ng pilik-mata ko. Buma-ba-gal ang andar ng pagsusulat ko.  Tinatamad na ko? Tuloy ko pa ba ang chechebureche ko tungkol sa Solaris? O ang tungkol na lang kaya sa librong The Fountainhead ni Rand?

Hmmm. Wag na. Tama, wag na. Mahabang usapan din yun. Sayang ang tinta ng Pilot ballpen ko. Sayang din ang perang pang-aarkila ko ng oras para makapag-type sa computer shop para mai-post ko ‘tong salaysay na ‘to sa tumblr ko. 

Isa pa, lagot din ako sa tatay ko kapag naubos ko ang kandila kakasulat. Masungit ‘yon, si papa, si tatay, si Dom Pidel na buraot. Itutulog ko na lang ng maaga ang pagka-buwisit.

Pagka-buwisit sa kandilang nauubos. (Ba’t nga ba nauubos ang kandila?) Ang ilaw na malikot at unti-unting humahagok-hagok habang nasusunog ang taling may baga sa dulo, na kasabay din ng pagkatunaw at pagluha ng wax na bumabalot dito.

Pagka-buwisit sa dilim. Sa liwanag na wala dahil nga brown-out/black-out (?) samin. Sa dilim ulit dahil pagbagsak ng dilim lalong dadami ang lamok na sila namang papapak sa binti, balikat, singit, at mukha ko, at di na ko siyempre makakatulog ng ganoon na lang kadali, di ba. 

Anong gagawin? Simple, magtiis. Tungangaan ang dilim para inis-talo ang unang maasar. 

E maasar naman kaya ang dilim? Siguro, ewan. Nakakabasag-trip din kaya ang may naka-tanghod sa’yo. Kaya tutungangaan ko na lang si dilim. Baka sakali.

Baka maantok din ako at makita/masipat ang liwanag ng hinahanap kong ilaw sa panaginip. Sa parte ng utak kong gising sa himbing ng aking pag-idlip. (Idlip-idlip lang muna siguro kasi nga maraming lamok.) Puwede na yun. Hihintayin ko si antok, yung pagkalma ng tibok ng puso ko, tsaka yung pagtahimik ng buong paligid - puwera lang ang kokak kokak ng mga palakasa labas ng kubo namin - sabay ang pagpikit ng mabagal ng mga mata ko:

Ang pagsasayaw ng antok sa huni ng idlip.